GURO, IPAKITA MO SA AMIN SI JESUS

Posted: Hulyo 4, 2009 in Jesus

Guro, ipakita mo sa amin si JesusMeron ka bang hinahanap?

Nais makita?


Sino ang hinahanap mo?

Sino ang gusto mong makita?

Bakit mo siya hinahanap?

Bakit gusto mo siyang makita?

Ano ang ginagawa mo upang makita ang hinahanap mo?

At kung siya ay iyong natagpuan,

ano ginagawa mo?

Marami tayong hinahanap sa buhay.

Naghahanap tayo ng makakasama sa buhay.

Nand’yan ang paghahanap ng mga bagay na makapagpapaligaya sa ating buhay.

Naghahanap ng ikabubuhay.

Naghahanap ng kahulugan sa buhay.

Malakas sa atin ang paghahanap kung sino ang magpapaligaya sa atin.

Kung sino ang magbibigay ng kahulugan sa buhay natin.

Kasabay ng ating paghahanap,

ang pag-unlad ng teknolohiya.

Noon, ang isang binatang lalaki, madali n’yang makita ang hinahanap n’yang maging nobya sapagkat nandyan lamang sa kanyang tabi, ibig sabihin hindi siya malayo. Madaling abutin.  At ang babae naman ay naghahanap din subalit pakiyeme pa, kaya naghihintay na lamang na hanapin siya.  At kung walang makakita sa kanya at kung hindi siya gagawa ng paraan para makatagpo ng hinahanap, malas n’ya, maiiwan siyang mag-isa.  Naiiwang matandang dalaga.  Ganun ba ‘yon?

Siguro, di naman sa lahat ng pagkakataon.

Kapag nakita na ang kanyang hinahanap, tandaan mo, lagi siyang nakabuntot sa’yo.  At ang babae naman, pakipot pa, feeling n’ya siya lang ang babae sa balat ng lupa, feeling n’ya maganda siya, kaya pinahihirapan si lalaki sa paghahabol.  Kaya may inaabot ng siyam na taon sa pagliligawan.  O higit pa.  Ang tindi ‘no?

Pero, mas’werte iyong iba kung mas’werte nga, pinagkakasundo na ng mga magulang.  Di na naghahanap.  O kaya, iba ang naghahanap sa iyong mapapangasawa. Parang walang excitement.  Meron naman, excited yong mga magulang.  Well, may nagsasamang naging langit ang buhay at meron namang naging impierno ang kalagayan.

Hanggang nauso ang pen pal. Naghahanap ng makakapareha sa pamamagitan ng sulat.  Pareho naman nagbobolahan.  Gayunpaman, nabubuhay silang masaya sa kanilang mga ilusyon at pagbabalatkayo.  ‘yong iba, talagang nagpapakatanga kung katangahan ngang matatawag ito.  Pero, sweet naman, di ba.  Parang sugar.

Di pa nakuntento sa pen pal, nag phone pal pa. Naghahanap ng makakasama sa pamamagitan ng telepono.  Na nauuwi sa aybol.  Minsan nagiging biktima ng mga magpagsamantala.  Uuwing luhaan ang talunan.  Dahil, kapwa na sila nakaharap sa katotohanan.

Ngayon naman, naghahanap sa pamamagitan ng mga programa sa radio.  Ipapaanunsiyo pa ang paghahanap sa himpapawid.  Kaya, tumataas ang rating ng mga programa dahil marami ang nababaliw dito.  Nagbibigay ng criteria at may requirement pa.  Grabe na ‘to.

Nauso ang pager.  Nauso ang mobile phone.  Nauso ang textmate.  Kapag pudpod na ang mga daliri sa kapipindot, di pa nakuntento, tatawagan pa ang textmate.  Walang pakiaalam kung magkano ang nagastos sa load.  Walang pakiaalam kung walang tulugan.  Ang mahalaga, magkaniig ang kanilang mga boses.  Gagatungan pa ng mga may pakanang telekomuikasyon.  Kung anu-anong mga pa-promo ang ginagawa para kumita sila.  Wala silang pakiaalam sa mga adik na texters.

Huwag na nating pagtakhan kung may nakawan at patayan dahil lamang sa cellphone.  Gusto magkaroon eh.  Kumikita pa sila d’yan.  Ganyan tayo ka-suwapang sa paghahanap ng kapartner.  ‘yong iba nga, naghahanap para makalamang sa kapwa.

Di pa nakuntento sa simpleng cellphone, gusto naman magkaroon ng cellphone na may kamera o nakakatanggap ng larawan.  Ngayon, makikita mo na ang textmate mo sa cellfon mo.  Kapag di ka kursunada dahil wala kang face, wag mo nang asahan na magtextback pa sa’yo.  D’yan pa lang, kung di ka na pasado, wala ng aybol pang magaganap.  Pero, kung type naman kita, di na makapaghintay ang orasan para makita ka in person. Kung noon, lalake sa babae, ngayon p’wede na ang lalake sa lalake at babae sa babae na maging magsyota.

Gaano ba katindi ang ating pangangailangan ng kaibigan at gayon na lamang ang paghahanap ng kaibigan?

Pumasok na ang internet.  Around the world na ang friendship mo dahil sa mga social networking.  Di mo lang siya nakikita sa pictures, gumagalaw pa ngayon, dahil cam to cam na kayo.  O di ba ang sosyal na.

Eh ang hanap lang naman natin eh, kausap.  Kasama.  Kaibigan.  Eh bakit kailangan pang lumayo?  Yong mga kasama natin sa bahay, sa paaralan, sa opisina, kapitbahay, para bang malayo na sa atin bagamat katabi lang naman natin sila.

‘di ba nakakainsulto na ang kaharap mong kausap eh, natatakpan ang tenga ng headset na para bang ayaw kitang mapakinggan.  Magkadikit na nga kayo, nagsisigawan pa sa isa’t-isa.  Nagbisibisihan ka na.  Nakikipag-chat habang nagtetext habang may kausap sa phone habang nakikinig ng mga awiting sumusigaw.

Ito na ang mundo ko.  Ito ba ang bunga ng pag-unalad ng teknolohiya?  Ginawa ba ang teknolohiya para makatulong o makasira ng pagsasama?  Aminin na natin na may nasisira talagang relasyon, na nagdudulot ng kasawian ng isa’t-isa.  Ilang eskandalo na ba ang naririnig sa radyo at napapanood natin sa tv?  Dahil d’yan sa makabagong teknolohiya, hindi mo naman pag-aari, inaangkin mo.  May kaibigan ako, monthly nagpapalit ng boypren.  Nakakatawa ba?  Hanggang ngayon, single pa siya sa edad na 40’s.  Pa’no, madir n’ya ang namimili.  So, tanggalin na lang natin ang makabagong teknolohiya kung ito ang problema.  P’wede ba ‘yon?  Burahin na lang kaya natin ang tao?  Ano pa ang silbi ng teknolohiya kung burado na ang mga adik, ‘di ba?

Nagamit mo na ang lahat ng gadgets, ang tanong, natagpuan mo ba ang hinahanap mo?  Nakita mo ba siya?  Naging makahulugan ba ang buhay mo?  O may kulang pa?

Baka ikaw ang may problema.  Hindi kaya?

Speaking of paghahanap mga friends, sa darating na eleksyon, 2010, tayo ay maghahanap na naman ng mga mamumuno sa ating pamahalaan.  Ngayon pa lang, di ka na maghahanap dahil sila mismo ay kusang lumilitaw.

Nakita mo na ba ang ginagawa ng mga nakaupong opisyales sa ating gobyerno sa kasalukuyan?  Kung hindi pa, maghanap ka.  Mag-usisa ka.  Magtanong ka.

Ikaw, ano ba ang hahanapin mo sa isang kandidato?

Ako, hinahanap ko iyong may integridad.  Makatotohanan.  Tapat na maglilingkod. Marunong magsakripisyo para sa bayan.  Mabuting tao.  Maka-Diyos, Maka-kalikasan.

Isang Ehemplo.

Ayoko sa magnanakaw.  Bumibili ng boto.  Sinungaling.  Mandaraya.  Suwapang sa kapangyarihan, kayamanan at kasikatan.  Makasarili.  Walang disiplina.  Trapo.

Sa madaling salita, gusto kong makita sa mga manunungkulan sa ating bansa ay si JESUS.  Ipakita n’yo naman sa amin si Jesus.  Aba, kristiyanong bansa pa naman tayong naturingan pero taliwas yata o magkahiwalay ang ating pamumuhay sa ating pananampalataya.

Buti pa ang mga Griyego na mga pagano.  “Lumapit sila kay Felipe na taga-Betsaida ng Galilea at ipinakiusap sa kanya: Ginoo, gusto naming makita si Jesus.  Pinuntahan at sinabihan ni Felipe si Andres.  Pinuntahan naman at sinabihan nina Andres at Felipe si Jesus. (Juan 12:20-22)

Katulad ba tayo ng ilang mga Griyego na nagnanais makita si Jesus?

Nagiging katulad rin ba tayo nina Andres at Felipe na nagtuturo papunta kay Jesus?

O tayo ba ang mga taong nakaturo ang mga daliri sa ating sarili?

Mababasa rin natin sa Juan 1:35-39: Kinabukasan, naroon na naman si Juan (Bautista) at dalawa sa kanyang mga alagad.  Pagdaan ni Jesus, tinitigan niya ito at sinabi: “Hayan ang Kordero ng Diyos.”  At narinig siyang nagsasalita ng dalawang alagad kaya sinundan nila si Jesus.  Lumingon si Jesus at nakita niya silang sumusunod, at sinabi niya sa kanila: “Anong hinahanap n’yo?”  sumagot naman sila sa kanya “Rabbi (na kung isasalin ay Guro), saan ka namamalagi?”  At sinabi niya sa kanila: Halikayo at inyong makikita.”  At pumaroon sila at nakita kung saan siya namamalagi, at maghapon sila namalagi sa kanya.  Mag-iikaapat ng hapon ang oras noon.

Ano ang pagkakahalintulad nina Juan, Andres at Felipe?  Sila ang tagapagturo kay Jesus.  Hindi nila itinuturo ang kanilang sarili.  At pagkatapos na maituro si Jesus, tapos na ang eksena ng tatlo sapagkat sila ay mga ekstra lamang.  At ang BIDA ay si JESUS.

Marami sa atin ang mga umak-aktong bida.  Mga pa-pogi at ganda points.  Aminin na natin.  Tingnan n’yo mga pictures n’yo, see?  ‘Di ba, parang bida sa pelikula.

Lumabas kayo sa mga kalsada ng Metro Manila, mga higanteng billboard  ang makikita ninyo at mukha ng mga politiko, model at artista ang makikita ninyo.  Ganunpaman, nakikita ba sa atin si Jesus?  Paano ko makikita si Jesus kung nakabikini at bra ang modelo?  Walang damit pang itaas at naka-maiksi (brief) lang?  Paano makikita si Jesus sa larawan ng mga alak at sigarilyo?  Walang ibang itinuturo kundi bili kayo nito, bili kayo n’yan.

Ikaw ba ay katulad ng dalawang alagad na sinundan si Jesus?

Minsan, ganito tayo o kadalasan pa nga.  Na kapag nakita na natin ang nagpapatibok ng puso natin, talagang sinusundan natin.  Inaalam natin kung saan siya nakatira.  Hinihingi ang address, telephone / cellphone no..  May email add ba? At kung anu-ano pa ang hinihingi.  At huwag mong sabihing sa lalaki lang ito.  Sa panahon ngayon, hindi na kagulat-gulat ang babae ang buntot ng buntot sa lalaki.

Makikita natin sa dalawang alagad na naroroon ang magnanais na makilala si Jesus.  Naroron ang pagnanais na makipagkaibigan kay Jesus.

Tulad ng dalawang alagad, uhaw din tayo sa magkakaroon ng kaibigan.  Uhaw tayo na magkaroon ng kausap.  Uhaw tayo sa pakikipag-ugnayan.  Gusto nating maramdaman na tayo ay kabilang sa isang grupo.  Kasapi sa isang pangkat.  Kasama sa barkadahan.  Kaya aliw na aliw tayong mag join sa mukha-aklat, prendster at mga katulad nito.

Sapagkat, marahil di tayo napapansin.  Tinatalikuran.  Iniwanan.  Tinakasan.  Di nakaranas ng pagmamahal. Iniiwasan.  Kinatatakutan.  Di ba napakalungkot kung ganito ang ating mga karanasan.

Pero, tingnan natin ang gawi ni Jesus.  Lumingon si Jesus.  Tiningnan ang dalawa. At kinausap pa. Di ba, kapag ganito ang attitude ng iyong sinusundan, maaakit ka talaga sa kanya.  Eh pano kung, hinarap ka nga, tapos sabay sinabon at binanlawan ka pa with matching irap at sabay talikod sa’yo, ggrrrr… parang gusto mong pumatay ng tao. Ang taray di ba?  Ganyan ka ba kapatid?

Tingnan pa rin natin si Jesus… inanyayahan n’ya ang dalawa na pumasok sa bahay n’ya at may bonding agad sa unang pagkikita.  Biro mo, maghapon silang nagk’wentuhan.  Maghapong magkasama.

Ganito talaga ang mangyayari sa’yo, once na makilala mo si Jesus.  Di ka na makakahulagpos kahit magpumiglas ka pa.

Sino ba ang taong ito?

Ano ba ang meron sa kanya?

At gayon na lamang siya kahalaga sa tao.

Naranasan muna ba sa buhay mo si Jesus?

Ang kanyang pagmamahal?

Katulad ng dalawang alagad, inaanyayahan tayo ni Jesus na makipagkaibigan sa kanya. Si Jesus ay mabuting kaibigan.  Siya ay tunay at tapat na kaibigan.  Nasabi ko iyan hindi lang dahil sa naranasan ko kundi iyan ang katotohanan.  Actually, di pa uso ang cellphone, internet, website, hinahanap na tayo ni Jesus.  Siya ang unang nagpakita ng pakikipagkaibigan.  Uhaw din siyang makipag-ugnayan sa atin.  Gusto n’ya na makausap tayo.  Pero kadalasan, tinatalikuran natin siya.  Kadalasan, hindi natin siya pinapansin.  Iniiwasan.  Karanasan mo rin ‘yan di ba?

Bata pa lang ako, nililigawan na ni Jesus.  Kaya lang no pansin siya sa ‘kin.  At the age of 22 ko lang siya sinagot ng matamis na “oo”.  Kaya ako ay Katekista – Tagapagturo kay Jesus.  Tagapahayag ng Salita ng Diyos na si Jesus.  Sa ngayon, nasa ika-19 ng taon na ako sa pagiging Katekista.  At nakapagdesisyon na sa sarili na hindi na mag-aasawa.  Mananatiling “single blessedness”.  Take note, “pinagpalang nag-iisa” at hindi matandang binata.  Getz?

Alam mo, mahal na mahal ka ni Jesus.  Binigyan ka ng maraming kaibigan.  Bilangin mo ang mga kaibigan mo sa internet.  Buong mundo pa.  Pero, kasama ba dito si Jesus sa mga kaibigan mo?  Ininvite mo na ba siya?  O inaanyayahan ka ni Jesus pero di mo siya tinanggap.  Hinahanap ka rin n’ya.  Sa totoo lang, gusto ka ring makita at maging kaibigan ni Jesus.

Mahalaga ba si Jesus para sa iyo?  Kung hindi, ikaw ay pinakamahalaga sa kanya.

Kung oo, paano mo ipinapakita ang pagpapahalaga kay Jesus?

Ilang oras ka ba nakatutok sa telebisyon?

Ilang oras ka ba naka tele-babad?

Ilang oras ka ba nagpipindot?

Ilang oras ka ba nag cha-chat?

Ilang oras ka bang naka-online?

Ilang oras ka ba sa harap ng computer?

Ilang oras ka bang nasa gimikan kasama ang mga barkada?

Ilang oras ba ang inilalaan mo para kay Jesus?

O wala ka nang panahon para kay Jesus?

Naririnig mo ba si Jesus na tumatwag sa iyo?  Nag-aanyaya na makausap ka.

Na makapiling ka kahit sandali.

O hindi mo na siya marinig dahil nabibingi ka na ng mga ingay mula sa labas.

Mas gusto mo silang mapakinggan kaysa kay Jesus.

Sundan natin ang dalawang alagad.

Maghapon silang namalagi sa piling ni Jesus.

Ano ba ang ibig sabihin nito?

Nagdadasal ka pa ba?

Binibigyan mo ba ng sapat na oras ang pagdarasal?

Hindi naman maghapong pamamalagi sa prayer room ang hinhingi sa atin.

Kahit isang oras lang.  “Hindi ba kayo makapagpuyat na kasama ko na kahit isang oras lamang?” [Mateo 26:40].

Yes, kahit isang oras na pananahimik.  Isang oras ng panalanging tahimik.  “At kung ikaw naman ang mananalangin, pumasok sa iyong silid, isara ang pinto at manalangin sa iyong Ama na kasama mong lihim” [Mateo 6:6].  Ito ang oras para maka-connect tayo kay Jesus.  Pindutin mo lang ng kanang kamay ang noo, tiyan, kaliwang balikat, kanang balikat, at Amen.  ‘Yan ang password.  Subukan mo, frendz.

Hindi natin magagawa ito kung aasa lamang tayo sa ating sarili., humingi tayo ng biyaya mula kay Kristo na ating kaibigan.

At kung bibigyan natin ng pagpapahalaga ang panalangin, magkakaroon tayo ng lakas ng loob upang masundan si Jesus katulad ng dalawang alagad.  Remember, tagasunod tayo ni Jesus.  Si Jesus ang sinusundan natin.  Hindi tayo mauuna kay Jesus.  Si Jesus ang bida.  At kung tayo ay mga tagasunod ni Jesus, siyempre, kailangan nakikita si Jesus sa ating mga sarili ng ating mga friendship.  Tulad nina Juan, Andres, at Felipe, tayo ay tapagapagturo.

Bilang mga kaibigan ni Jesus, paano mo ba siya ituturo sa iyong mga kaibigan sa pamamagitan ng internet?

Kung naniniwala ka kay Jesus bilang isang kaibigan, paano mo pahahalagahan ang inyong pakikipagkaibigan sa isa’i-isa?

Paano mo siya ipapakita sa iyong pang-araw-araw na buhay?

Paano mo pahahalagahan ang iyong mga kaibigan?

Paano ka magiging isang tunay at tapat na kaibigan?

[katahimikan]

Panalangin:

Jesus, aking kaibigan,

Maraming salamat sa iyong paanyaya na maging kaibigan ka.

Salamat sa iyong kabutihang-loob, binigyan mo ako ng maraming kaibigan.

Nawa’y, katulad nina Juan, Andres at Felipe, ay maituro rin kita sa aking mga kaibigan.

Nawa’y, katulad ng mga alagad, maging masigasig ako sa paghahanap sa iyo.

Upang higit pa kitang makilala.

At maipakita kita sa aking kapwa sa pamamagitan ng aking mabubuting salita at gawa.

Amen.

Mga Puna
  1. len ay nagsabing:

    thank you for giving information

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s