DAKILA ANG NAGLILINGKOD NG MAY KABABAANG-LOOB

Posted: Hulyo 25, 2009 in Matthew

BANDILA

MATEO 20:20-28

Para sa mga ina, naranasan mo na bang makiusap para sa inyong anak?

Para sa mga anak, naranasan mo na bang ipakiusap ka ng iyong ina?

Kung oo, ganito rin ang ginawa ng ina nina Jaime at Juan.

20 Lumapit noon kay Jesus ang ina nina Jaime at Juan kasama ang dalawang anak, at lumuhod sa harap niya para makiusap.

Lumalapit tayo sa tuwing may pangangailangan.

Ang lumapit pa lang ay mahirap ng gawin, lalo na kung luluhod pa para lang makiusap.

Ganito ipinakita ng ina nina Jaime at Juan ang kanyang pagmamahal sa kanila.

Sa ating mga Pilipino, karaniwan na rin ang lumalapit sa oras ng kagipitan.  At sa tindi ng pangangailangan, nakukuha pa nating lumuhod upang pagbigyan lamang ang ating kahilingan.

Bakit kaya ina at hindi ama ang ginamit sa tekstong ito.

Sa ating kultura, ang ina ang ilaw ng tahanan.  ang ina ang siyang tagapangalaga ng kanyang mga anak at madalas kasama ng mga anak.  At ang mga ama ay naghahanapbuhay para sa pamilya.  Kung kaya alam ng ina kung ano ang pangangailangan ng mga anak.  At ang ama, tagapag-abot kung anuman ang mga pangangailangan ng mag-anak.  At gagawin ng isang ina ang lahat para sa kanyang anak kahit magpalimos ay gagawin niya.  May malambot siyang puso.  Madaling maawa.  Ang ama, tulad ng isang haligi, may katigasan ang puso. “Lalaki ako!  Bakit ako lalapit at luluhod!”  Baka nga naman makabawas ng pagkalalaki.

Maliban na lang kung siya ay isang pulitiko.

Sa panahon ng eleksiyon, hindi lamang ang paglapit at pagluhod ang kaya niyang gawin.

Kaya n’ya rin ang maging sirkero, kumanta at sumayaw, kumain ng apoy at tumulay sa alambre, makuha lang ang boto natin.

Sa panahon ngayon, nasaan na ang mga ina?

Hayun, nasa ibang bansa, nagtatrabaho bilang domestic helper.  At ang ama ang siyang naiiwan sa bahay.

O kaya naman, sabay silang naghahanapbuhay   Hanggang nawalan na ng panahon para sa kanilang mga anak.

At ang mga anak, di na nila mararanasan ang naranasan nina Jaime at Juan na may isang ina na nalalapitan at nakakausap.

Kapag ang isang tao ay lumapit at lumuhod, ang katangiang kanyang ipinapakita ay kababaang-loob.  Ang taong may kababaang loob ay hindi mayabang.  Hindi mapagmataas.

Kapag ganito ang taong lumapit sa iyo, at sobrang kulit, tiyak na hindi mo siya tatalikuran.  Bibigyan mo siya ng pansin.

At ganito nga ang ginawa ni Jesus sa inang lumapit sa kanya.

21 Tinanong siya ni Jesus:  “Ano ang ibig mo?”  At sumagot siya:  “Narito ang dalawa kong anak.  Iutos mong maupo ang isa sa iyong kanan at ang isa naman sa iyong kaliwa sa iyong Kaharian”.

Napakaganda ng attitude na ipinakita ni Jesus.  Madarama mo ang kanyang pagiging compassionate.  Nadarama n’ya ang damdamin ng isang ina sapagkat meron din siyang isang ina.

Tayo kaya, ganito rin ba ang ating gawi kapag may lumalapit sa atin?  O baka nakita pa lang natin siyang lumalapit, umiiwas na tayo.  O kaya naman, tatanungin natin ng ganito:  “Bakit?”

Di ba nakaka-embarrass naman lalo na kung ang mukha mo ay hindi madrowing.

May ganito akong karanasan noong ako ay nasa kolehiyo pa.

Lumapit ako sa isa kong professor na babae.  Lumapit ako para magpapirma ng clearance.  Back to school kasi ako noon.  Siya ang unang nabungaran ko kaya sa kanya ako lumapit dahil naging titser ko naman siya sa subject na Spanish (nawala na ngayon).

Siyempre, nagpakilala muna ako kahit alam kong nagkasama na kami.

At ganito ang sagot niya:  “Wala akong kilalang Barbadillo”, sabay bukas ng pamaypay na inirapan ako.  OMG!  Feeling ko that time, gusto kong lamutakin ang mukha nya.  Hindi ko na naipagpatuloy pa ang susunod na sasabihin ko dahil naunahan na ko ng takot at pagkapahiya.  Titser ka pa naman, sa loob-loob ko.  Talagang kalait-lait siya.  Kung tutuusin, di naman talaga siya marunong mag Espanyol at wala akong natutunan sa kanya.  Kung gaano kapangit ang ugali nya, ganun din ang hitsura niya.  Buti na lang nakalimutan ko ang name nya.

Nang lumingon ako sa likuran ko, andun ang isa kong professor.  Na nang makita ako, kahit malayo pa, nakangiti na.  Kaya lumipat ako sa kanya at dun ako nagpapirma.  Nagkakwentuhan pa kami.

Kaya, nang ako’y naging guro, sabi ko sa sarili ko, magiging accommodating ako sa mga mag-aaral, sa mga parents at sa lahat ng makakaharap ko.  Hindi ko sila pahihiyain.

Pero, minsan, may mga tao naman talaga na hindi marunong makiusap.

Hindi mo alam kung nakikiusap o nag-uutos.

Tuald ng ina nina Jaime at Juan.  Sabi n’ya: “Iutos mong . . . “

Parang nagdidikta o nagdidikta talaga.

Ganito ka rin ba?

Nagagalit pa kapag hindi pinagbibigyan.

Kapag hindi makuha sa luhod at pakiusap, pumapasok ang panunuhol.

At kung mahina ka, magpapadala ka sa kinang ng salapi at kapangyarihan at katanyagan.  At kung ayaw mo pa pumayag . . . bang!  Isang bala ka lang.

Minsan o kadalasan, ganito tayo kapag lumalaapit kay Jesus sa panalangin.

Panginoon, bigyan mo ako ng ganito…

Panginoon, gusto ko ng ganito . . .

Panginoon, pagalingin mo po ako . . .

Etc. ect. etc.

Hindi tayo marunong humingi.  Hindi tayo marunong makiusap sa Diyos.

Inuutusan natin ang Diyos.  Dinidiktahan natin ang Diyos.

Sinusuhulan pa natin ang Diyos.

Kaya ano ang nangyayari kapag hindi napagbibigyan ang ating hinihingi sa Diyos?

Di ba, nagagalit pa tayo sa kanya.  Di ba tumatalikod tayo sa kanya.  Di ba hindi na tayo nagdarasal.  Nawawala ang ating pananampalataya.

Gusto ng ating Panginoon na magsalita sa atin, pero ano ginagawa natin, iniiwan natin agad siya.  Hindi tayo marunong manahimik kapag nagdarasal.  Kaya hindi natin nalalaman ang kalooban ng Diyos.

Maingay siguro ang nanay nina Jaime at Juan.  Maaari, dahil kapag ang anak ang pinag-uusapan, huwag ka, lumalabas ang pagkabungangera ng mga nanay.  Dahil ang binalingan ni Jesus ay ang magkapatid.  O baka ang dalawang magkapatid ang nag-utos sa kanilang ina para sa kanilang mga ambisyon kaya sila ang kinausap ni Jesus.  O, ang ina ang ambisyosa para sa kanilang anak.  Hindi natin alam sapagkat hindi naman nasusulat.

Ang mahalaga, ang sinabi ng ina:  “Narito ang dalawa kong anak”.  Inilapit ng ina kay Jesus ang kanyang mga anak.  Ilang ina o ama pa kaya ang ganito?  Dinadala ang kanilang mga anak kay Jesus.  Ipinapakilala si Jesus sa kanyang mga anak.  May mga magulang na ayaw nilang magpari ang kanilang mga anak.  May mga magulang na kung ano ang gusto nila sa anak, ‘yon ang masusunod.  Hindi nila hinahayaan na magdesisyon ang kanilang mga anak para sa kanilang sarili.  At the end, malungkot ang anak.  Naging magulo ang pamilya.

Dahil naituro na ng ina ang dalawang anak kay Jesus, kaya,

22 Sinabi ni Jesus sa magkapatid:  “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Maiinom ba ninyo ang kalis na iinumin ko?”  Sumagot sila: “Kaya namin.”

Ang galing ng ginawa ni Jesus.  Bagamat may hinihingi ang ina nina Jaime at Juan para sa kanyang mga anak, tinanong pa rin ni Jesus ang magkapatid kung ano ang damdamin ng dalawa.  Hinayaan ni Jesus na ang magkapatid ang magdesisyon para sa kanilang sarili at hindi ang ina.

Totoo ang sinasabi ni Jesus.  Minsan, lumalapit tayo sa kanya na hindi natin nalalaman ang ating hinihingi.  Bakit?  Sarili lamang kasi ang ating iniisip.  Puro pakabig at hindi palabas.

“Maiinom ba ninyo ang kalis na iinumin ko?”  Tinutukoy ni Jesus ang kanyang paghihirap at kamatayan na kanyang haharapin.

Kaya mo bang makiisa kay Jesus sa kanyang paghihirap at kamatayan?

Kaya mo bang ialay ang buhay mo para sa iyong kapwa?

Kaya mo bang kalimutan ang sarili mo para kay Jesus?

Kaya mo bang masugatan ang iyong puso alang-alang sa pag-ibig?

Masasagot ba natin si Jesus tulad ng sinagot nina Jaime at Juan na “Kaya namin”?

Firm decision.  Hindi nila sinabi, “kakayanin namin.”  Kasi, paano kung hindi kakayanin, bibitiw na ba?

Magiging tapat pa kaya tayo kay Jesus kapag nakaranas tayo ng mga paghihirap sa buhay?

Ang ating paglapit kay Jesus ay nangangahulugan na handa tayong pasakop sa kanya.

Mula noong tayo ay nabinyagan, ang buhay natin ay isa nang pakikiisa sa buhay ni Jesus.

23 Sumagot si Jesus:  “Totoong iinom din kayo sa aking kalis, ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa.  Para sa mga hinirang ng Ama ang mga lugar na iyon.

Wala sa kadakilaan o katanyagan at kapangyarihan ang tagumpay ng kanyang Kaharian kundi sa pagsunod sa landas ni Jesus.

Maaaring mapulaan natin sina Jaime at Juan tulad ng ginawa ng sampu . . .

24 Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila sa magkapatid.

pero, nakikita nyo ba ang katapatan nina Jaime at Juan kay Jesus?

25 Kaya tinawag sila ni Jesus at sinabi:  “Alam ninyo na sinusupil ng mga naghahari  ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan.

Ganito ang mundo . . .

May mga naghahari at mga nasa kapangyarihan . . .

Hindi ba sila ang mga lider?  Mga pinuno?

Ano ba ang pinuno?  Paano ba ang maging pinuno?

Paano ba kumukilos ang mga pinuno: pinuno ng isang samahan, pinuno ng isang pamilya, pinuno ng isang barangay, pinuno ng isang lungsod, pinuno ng isang bansa?

Kung gusto mong pamunuan ang isang bayan, huwag kang pabigat sa bayan.

Pinamumunuan mo ang bayan at hindi mo pinagpagtiis.

Huwag kang magmataas dahil sa iyong kapangyarihan.

Alalahanin mo, meron pang mas mataas at mas makapangyarihan pa kaysa iyo.

Marami ang lalapit, luluhod at makikiusap na pulitiko sapagkat kailangan nila ang boto natin.

Suriin natin ang kanilang mga intensiyon.

Matuto tayo sa ating mga karanasan.

Lumalapit ba sila kapag naka upo na?

O tayo ang naninikluhod sa harap nila?

Kailangan pa bang gawin ito kung ginagawa nila ang kanilang tungkuling maglingkod?

Kaya natin na baguhin ang sistema ng pamumuno sa ating bansa.

At upang maranasan natin ang Kaharian ng Diyos . . .

Pakinggan natin ang kalooban ng Diyos.

26 Hindi naman ganito sa inyo:  ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod sa inyo.

Sino ang naglinlingkod?

Sino ang pinaglilingkuran?

27 ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo.

Kung nais mong maging dakila, matuto kang magpakumbaba.

Kung gusto mong mamuno sa bayang Pilipinas, matuto kang kalimutan ang sarili mong agenda at bumaling ka sa agenda ni Jesus para sa iyo.

Maging tulad ka sa isang alipin.

Mapagpakumbaba.  Bukas ang loob.  Naglilingkod.  Masunurin.  Tapat.

Ang namumuno ay maging alipin.  Hindi ka amo na kailangan paglilingkuran.

At upang magawa natin yan, ang ating tutularan ay si Jesus.

28 Gayundin naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kaanyang buhay bilang pantubos sa marami.”

Pumarito si Jesus para maglingkod ang ang kanyang kusang-loob na pagkamatay niya ang magiging paglilingkod niya sa sangkatauhan.  “Nagpakababa siya at naging masunurin hanggang sa kamatayan sa krus.” (Fil 2:7)

Panalangin:

Panginoon,

Salamat sa iyong kabutihang-loob.

Patawarin mo kami sa aming mga kahinaan, sa aming magiging mapagmataas sa aming kapwa, sa aming pagiging makasarili.

Tumimo nawa sa aming puso ang iyong mga pangaral kina Jaime at Juan at sampu pang mga apostoles na maging mapagpakumbaba.

Matuto nawa kaming maglingkod ng buong katapatan sa iyong bayan na ipinagkatiwala sa amin.

Tulad ng mga apostoles, makasunod nawa kami sa iyong mga yapak upang kami ay maging karapatdapat makasama mo sa iyong Kaharian.

Luwalhati sa Ama…

July 25, 2009

James, Apostle

James, brother of John, is called the Greater” because he followed Christ before the other apostle of the same name; first of the twelve to be martyred being decapitated  by order of Herod Agrippa I, c. 44; venerated at Campostella, Spain; named in the Roman Canon; patron of Spain, Guatemala at Nicaragua. (Ordo 2009)

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s