NAIS KO MAGING BANAL

Posted: Hulyo 26, 2009 in Holiness

BANAL

Ano ang iyong pangarap sa buhay?

Noong ako’y madalas nakatutok sa kahong nagsasalita, isang pantimpalak pambata ang sa tanghali ang madalas itanong ito: ano ang gusto mong maging paglaki mo?

Karaniwang naririnig kong sagot ay nais nilang maging doctor, lawyer, engineer, titser at artista.  Halos ganito rin ang nais marating ng mga batang aking tinuturuan sa mababa at mataas na paaralan.

Noong ako’y bata pa, marami rin akong mga pangarap sa buhay.  Gusto kong maging sikat na pintor sa buong mundo.  Mahilig kasi akong magdrowing.  Kadalasan sa lupa.  Kung gaano kalawak ang “natad” namin, ganun din kalaki ang ginuguhit ko.

Habang unti-unting nadadagdagan ang edad ko, lalong dumarami ang aking mga nais abutin sa buhay.  Binalikan ko ang mga sinulat ko noong nag-aaral pa ako sa kolehiyo.

Tutal libre naman ang mangarap. Nangarap akong sumali sa mga grupo ng mananayaw.  Gusto kong maging manunulat, mang-aawit, ilustrador, direktor ng pelikula, at lahat ng may kinalaman sa sining.  Pinagarap kong maging pari at maging monghe.  Ninais ko ring magkaroon ng mga bagay tulad ng magarang kotse, at malapalasyong bahay.  Balang araw, gusto ko magkaroon ng isang retreat house at isang ampunan ng mga bata’t matatanda.  Naroroon din ang pagnanais kong maikot ang buong mundo.

Sa ngayon, isa akong katekista na kailanman di sumagi kahit sa aking panaginip.  Kahit ako’y katekista na, patuloy pa rin akong nangangarap.

Sa aking karanasan sa pang-araw-araw na buhay, marami akong napapansin sa aking paligid, at sa mga pakikisalamuha sa aking kapwa.  Kahit naabot na nila ang pangarap nila noong bata pa sila, hindi pa rin nawawala sa kanila ang pangarap.  Ngunit, kakaiba sa ngayon.  May pera o wala, gusto nilang maging maganda sa paningin ng mga tao sa paligid.  Kung kaya makikita mo sila sa mga parlor pampaganda.  Hindi lamang maging unat ang buhok, gusto pa’y iba’t-ibang kulay.  Kahit hindi naman bagay, patuloy pa rin dahil ito ang “in”.  Gustong pumuti ng mga maiitim at yong maputi ay gusto namang maging kayumanggi ang kulay ng kanilang balat.  Sila ay bumubili ng mga likidong panghaplos sa buong katawan maliban pa sa gamot na iniinom.  Merong nagpapabago ng mukha, nagpapatangos ng ilong, nagpapabanat ng balat para magmukhang bata kahit otsenta anyos na. Iyong iba naman, gusto maging matumbok di lamang ang kanilang dibdib kundi pati rin “buttocks”.  Ang mga mataba, gusto pumayat at ang payat ay gusto namang tumaba.  Ang mga pandak, gusto naman tumangkad.

Meron din namang mayaman na, gusto pa ring yumaman ng yumaman.  Kung kaya, kahit maling paraan ay ginagawa upang maabot lamang ang mga pangarap.

Hindi rin ako naiiba sa kanila.  Minsan, nagpapadala rin ako sa mga inilalako ng telebisyon, ng mga posters at iba pang print ads.  Nakakabighani naman kasi ang mga pangako.  Ligaya ang dala.  Lalo’t magpapakita pa ng mga modelo para maging kapakapaniwala.  Gastos dito, gastos doon.  Sa bandang huli, bigo pa rin sa pinapangarap.  Lalong magpapalungkot kung patuloy na tatalikuran ang katotohanang wala palang dapat baguhin sa aking anyo.

Noong ako ay hindi pa katekista, tinanong ko ang Diyos isang gabi:  Panginoon, ano ang gusto mo para sa akin?

Kinabukasan, nalaman ko ang kasagutan.  Niyaya akong maging katekista.  At sumagot naman ako ng “oo”.

Ikaw, nasubukan mo na bang tanungin ang Diyos kung ano ang pangarap niya sa’yo?

Noong ako’y katekista na, muli kong tinanong ang Diyos:  Panginoon, ano ang pangarap mo para sa akin?

Nagsalita ang Diyos sa pamamagitan ng Banal na Kasuluatan.

Ayon sa Ebanghelyo ni San Mateo 5:48, sinabi ni Jesus, “Kaya maging ganap kayo gaya ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa langit.”

(katahimikan)

Wow!  Ang pangarap ng Diyos sa akin, ako ay maging ganap tulad ng aking Ama sa langit.  Ito ang tawag sa kabanalan.  Tinatawag ako ni Jesus na maging banal.  Walang kasing saya ang aking nadarama.  May concern sa akin si Jesus.  Mahal ako ng Ama kaya’t marapat lamang na siya ay aking tularan.  Ang Diyos na lumikha sa akin ay banal.  Ginawa n’ya akong kawangis at kalarawan n’ya.  Kung ganun, nilikha n’ya akong isang banal.

At hindi lamang ako ang tinawag na maging banal, kundi ikaw rin, kayo rin, tayong lahat.  Sinasabi sa Catechism for the Catholic Church “All Christians in any state or walk of life are called to the fullness of Christian life and to the perfection of charity.  All are called to holiness” (2013).  Kung gayon, bata man o matanda ay tinatawag sa pagpapakabanal.  Lalaki man o babae.  Mayaman man o dukha.  Maganda man o panget sa paningin ng tao.  Anuman antas ng edukasyon ang inabot.  Maging ikaw man ay doctor, abogado, eninyero, titser o artista, dyanitor, drayber, ina, ama, may asawa o wala.  Kahit ikaw ay presidente ng isang bansa o kahit senador o kongresista, gobernador o mayor, kapitan ng isang baryo o konsehal, ay tinatawag sa kabanalan.

Kaya mali na sabihing “hindi na uso ang pagpapakabanal.”

Ang tawag sa kabanalan ay isang regalo mula sa Diyos.  Ito ay kusang loob n’yang ibinibigay.  Isang biyaya.  Ito ang presensiya ng Diyos sa aking buhay.

Ang tawag sa kabanalan na ito ay hindi lamang nangangahulugan na meron tayong pusong puno ng pag-ibig kundi ang kakayahang unawain ang iba.  Sapagkat habang hinuhusgahan natin ang ating kapwa, naaapektuhan din ang ating pagmamahal sa kanila.  Sa daigdig na ito, ang lahat ay may puwang.  At lahat tayo ay pinapatnubayan ng Diyos para sa kapakanan ng lahat.  So, may kaugnayan pala ito sa ating paglilingkod sa ating kapwa.  At kung matutunan natin na ibahagi kung anuman ang meron tayo,  mararating natin ang pinapangarap ng Diyos na maging ganap tulad niya.  Hindi ko pwede sabihing mahal ko ang Diyos, pero hindi ako naglilingkod sa aking kapwa.  At hindi ko rin pwedeng sabihing minamahal ko ang aking kapwa pero hindi ako nagsisimba at nagdarasal.  Ang pagmamahal sa Diyos ay naipapakita sa pagmamagitan ng paglilingkod sa kapwa.  Ito ang kalooban ng Diyos.

Sa aking pagbabasa ng mga talambuhay ng mga santo’t santa, wala silang pinangarap kundi ang maging tapat sa pagsunod sa kalooban ng Diyos.

Kung ako ay katekista, maging tapat ako sa aking ginagawa.  Kung ikaw ay titser, maging tapat ka sa iyong pagtuturo.  Kung ikaw ay isang doctor, maging tapat ka sa iyong panggagamot.  Kung ikaw ay namumuno sa atin pamahalaan, maging tapat kang pinuno at paglilingkod sa bayan.  Kahit ikaw man ay kusinero, labandera, dyanitor o estudyante, maging tapat ka sa iyong tungkulin.  Ito ay magbibigay sa atin ng maayos na pamumuhay.  Mararanasan natin ang kaganapan ng buhay.

Sabi nga ni Cardinal Rosales sa Pondo ng Pinoy:  “Anumang maliit basta’t malimit ay patungong langit.”  Wala sa laki ang paggawa.  Kahit maliit man ang iyong ginagawa basta naroon ang pag-ibig, tiyak patungong langit.  At ang pagtangkilik sa Pondo ng Pinoy ay magdadala sa atin sa kabanalan sapagkat ginagawa natin ito bilang pagmamahal sa Diyos at paglilingkod sa kapwa.

Hindi natin magagawa ang lahat ng ito kung tayo ay nakahiwalay sa Diyos.  Ang Diyos ang magbibigay sa atin ng lakas upang magawa natin ang kanyang kalooban sa pamamagitan ng patuloy na pakikiisa sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya at panalangin.  Ang gawaing magpabanal ay gawain ng Diyos.  At ang unang hakbang upang tayo ay maging banal, ay magkaroon ng pagnanais na maging banal.

Kung nagnanais kang maging banal tulad ko, kailangan nating sumunod kay Jesus.  “Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kung may ibig sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin.” (Mateo 16:24)

Kailangan talagang may sakripisyo.  kailangan munang dumanas ng paghihirap bago maabot ang tagumpay.  Sabi nga:  “No glory without the cross”.  “No pain, no gain”.

Kung nagnanais kang maging banal, kailangan mo munang mamamatay!

Nais mo bang maging banal?

Handa ka bang sumunod kay Jesus?

Handa mo bang itakwil ang iyong sarili at ialay ang buhay sa kapwa?

Handa ka na bang mamamatay?

Panginoon,

Salamat sa iyong tawag sa kabanalan.

Sa mga pagkakataong hindi kami nagiging tapat sa iyong kalooban, hindi kami karapatdapat na maging banal.  Ngunit, Panginoon, wala kang sawang nag-aanyaya na kami ay maging ganap tulad ng iyong Ama.

Nawa’y tulad mo, makasunod din kami ng buong kapatatan sa kalooban ng Ama.

Hinihiling po naming ito sa iyong ngalan.  Amen.

Luwalhati sa Ama, . . .

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s