AKO MISMO! ANG SIMULA! ANG HIMALA!

Posted: Agosto 18, 2009 in Change, Jesus, Prayer

nora aunor in himala

Sa aking pagninilay sa pelikulang “HIMALA”, aking napagtanto na ang inilalarawan ng mga taong maysakit, may kapansanan ay ating  bayan mismo.  Oo, ang bayang Pilipinas ay may sakit . . . . malubhang sakit.

Anu-ano ba ang sakit ng ating bayan?  Nand’yan ang “graft and corruption.”  Iba’t-ibang uri ng pagnanakaw sa ating bayan.  Nand’yan ang kawalan ng malasakit sa kapwa lalo na sa mga mahihirap.  Patayan.  Sugal.  Pang-aabuso sa sarili tulad ng drug addiction, paninigarilyo, pag-inum ng alak at iba pang tulad nito.  Iba-ibang uri ng pang-aabuso sa kapwa.  Pang-aalipin.  Pagsira sa kalikasan.  Kawalan ng pananampalataya sa Diyos.  Walang disiplina sa sarili.  Imoralidad.  Kasinungalingan.  Walang pagkakaisa.  Marami pang sakit, na tulad ng kanser, unti-unti, dahan-dahang pinapatay ang bayan kong ginigiliw.

Masakit.  Walang kasingsakit.   Ang bayang ito ay tinuturing kong isang tahanan.  Ano ang iyong mararamdaman kapag nalaman mo sa kapitbahay, ang iyong ina ay kumakain ng isang simpleng hapunan sa isang karinderya kasama ang kanyang mga kaibigan sa halagang mahigit kumulang sa isang milyon?  Samantalang ikaw na anak at mga kapatid ay naghihintay ng mumo na malalaglag sa mesang kanilang pinagsasaluhan.

Isang sakit ang pagiging makasarili.  Sarili lamang ang iniisip.  Walang pakialam sa kanyang kapwa.

Sinabi ng ating Santo Papa sa kanyang “Spe Salvi” na: “Ang lipunang hindi matanggap ang mga kasaping naghihirap at nagdurusa at walang kakayahang makiisa sa kanilang paghihirap ay isang lipunang malupit at hindi makataong lipunan.”

Sino ba ang bumubuo ng bayang ito?  ‘di ba ikaw . . . ako . . . tayong lahat na mga Pilipino.

Nakikita mo ba ang iyong sarili sa mga taong maysakit sa pelikula?  Bawat isa sa atin may sariling sakit na nakakahawa.  Hindi sakit pangkatawan kundi sakit na pangkaluluwa.  At ang matindi nito, ang sakit ng kawalang pag-asa.

Kapatid, tingnan natin ang ating sarili.  Suriin natin ang ating sarili.  Anu-ano ba ang aking sakit na dinadala na nakapagdudulot ng pagdurusa ng ating bayan?  Sa ating munting pamayanan?  Sa ating pamilya?  Sa ating pinagtatrabahuhan?  Sa ating samahan?  Sa ating barkadahan?

Isa pang sakit na  dinaramdam ng ating bayan, na, kapag ikaw ay nagsasabi ng katotohanan . . . manganganib ang buhay mo . . . kung minalas, papatayin kang walang awa.

Sa  “HIMALA”, pinatay si Elsa nang ipinahayag n’ya ang katotohanang “Walng himala!  Ang himala ay nasa puso ng tao!”

At sino ang pumatay kay Elsa?

Sa palagay mo kapatid, sino . . .?

Hindi kaya ikaw . . . ako . . . bawat isa sa atin?

Muli, tumingin tayo sa ating sarili.  Paano ba tayo nakikipag-ugnayan sa ating kapwa.  Alam mo ba kung anu-anong mga salita ang lumalabas sa iyong bibig na nakakasakit ng damdamin?  Mga salitang nakakahubad ng dangal bilang isang tao.  Mga salitang nakamamatay.  Pagmumura . . . Tsismis . . . Pagsisinungaling . . . kayabangan . . . Napakatalas ng ating bibig.

Lalo na kung gamitan pa ng lakas.  Walang katuturang awayan.  Kapatid sa kapatid . . . Pilipino sa Pilipino . . . nagbabarilan . . . nagsasaksakan . . . nagpapatayan.

Dahil sa inggit . . . dahil sa pagkagahaman . . . hinihila ang kapwa hanggang sa hukay!

Dahil sa pagiging makasarili, nawawala . . . naglalaho . . . ang paninindigan.

Nang binaril si Elsa, nasaan ka ng tumumba siya?

‘Di ba nagtatakbo ka papalayo . . . mas inuna mong iligtas ang iyong sarili.  Marami sa atin ang ganito.  Sa oras ng kagipitan, hindi matagpuan.  Nagtatago.  Nawawalan ng lakas ng loob na harapin ang pagsubok.  Nasaan ang iyong pananalig?  Nasaan ang iyong pagtitiwala?  Ayaw mo pang mamatay?  Pero, ano ba ang ginagawa natin?  Hindi lamang natin pinapatay ang ating kapwa, kundi, at the end pinapatay rin natin an gating mga sarili.  “You’r such a loser, yaya” ang sabi ni Angelina [bubble gang show].

Isa pang sakit natin, ang magturuan:  “Narito ang bumaril!”

Minsan o kadalasan, magaling tayo manisi ng ating kapwa.  Pero ang aminin ang ating pagkakamali . . . kahit buking na . . . pilit pa ring tinatago, maisalba lang ang sarili.

Sinabi ng ating dating Pangulo Corazon Aquino: “I would rather die a meaningful death than to live a meaningless life.”  Namatay siyang nagmamahal sa bayan sa kabila ng paghihirap na dinaranas sa buhay.

Si Elsa, namatay dahil sa pagsasabi ng katotohanan.

Tulad ni Elsa, handa ka bang mamatay dahil sa pagsabi ng katotohanan?

O patuloy kang mamuhay sa kasinungalingan?

Marami pa tayong kababayan ang nagsasabi ng totoo.  Nasaan sila ngayon?  Nilamon na ng lupa.  At kung buhay pa, maraming pang paghihirap ang dinaranas.

Lahat tayo ay tinatawag sa kamatayan.

Sa katotohanan, tinatawag tayong mamatay sa ating mga sarili.  Tinatawag tayong kalimutan muna ang ating sarili at unahin munang paglingkuran ang kapwa.  Sa paglilingkod ko sa kapwa, naipapakita ko ang aking pagmamahal.  At ang taong nagmamahal ay nagsasabing “halika, sugatan mo ang aking puso.”  Niyayakap ang pagdurusa ng kapwa hanggang maging kanyang pagdurusa.  Sa paglilinkod sa kapwa, tunay na magkakaroon ng himala.  Dahil ang himala ay nasa puso ng tao.

Oo,  ako mismo!  Ang Simula!  Ang Himala!

Magsisimula sa ating mga sarili ang kagalingan ng bayang naghihingalo dahil sa sakit.  Ako ang bagong simula.

Awit:  Bagong Simula [BayaniJuan]


I.

Pang isang gabing walang katapusan

Sa bawat mesa, asin algi ang ulam

Umaalog sa alkansya, pisong pinagpawisan.

II.

Batang nakahubad, kumot ang lansangan

Lupaing kinalbo, minsa’y nadidilig ng dugo sa away ng kapatid sa kapatid

Sa kalagayang ito, tayo ay nakagapos

Parang aw asana, dito magtapos.

Koro:

Todo na ito

Liparin ang langit na bughaw

Pagningningin mga tala at araw

Mamumulang muli ang silangan

Sa bagong simula n gating bayan

III.

‘wag lang maulit, kapalarang kay pait

‘wag magpabaya, ‘wag kang manahimik

‘wag kang manlalamang, ‘wag kang mangigipit

‘wag magkanya-kanya, magkaisang bisig

IV.

‘pag malasakit, ito’y kabayanihan

Gawin mo ano mang makayanan

Kalagayan ng baya’y sumasama lamang

Kung walang gagawin, tayong mamamayan

[ulitin ang koro]

V.

Ipakita natin sa ating mga magulang

Mga kapatid, kaya natin ito

Isang subok pa (isang subok pa)

Sabay-sabay na (sabay-sabay na)

Walang kokontra (walang kokontra)

Todo na ‘to!  Todo na ‘to!

[ulitin ang koro]

–      –   –   –   –

Totoo, sa atin magsisimula ngunit magagawa lamang natin ‘yan kung tayo ay nasa presensiya ng Diyos.

Ang Diyos na nagsasabing “Ako mismo ang tutulong sa iyo”… Ako mismo ang gagabay sa iyo.”  Ako mismo ang Alpha at Omega – ang simula at wakas.”

Kung wala ang Diyos, wala tayong magagawa.

Kaya basahin natin ang Salita ng Diyos at pakinggan natin siyang nagpapahayag at nangungusap sa puso natin.

Marcos 9:2-13

transfiguration_blo

Pagbabagong-anyo ni Jesus

Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Jaime at Juan, at umakyat na sila lamang ang kasama sa isang mataas na bundok.  At nagbago ang anyo ni Jesus sa harap nila at kuminang na putting-puti ang kanyang damit, na walang makapaglalabang simputi niyon sa lupa.  At napakita sa kanila sina Elias at Moises na nakipag-usap kay Jesus.

Kaya nagsalita si Pedro at kanyang sinabi: “Panginoon, mabuti at narito tayo.  Gagawa kami ng tatlong kubol: isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias.”  Nasindak sila kaya hindi niya malaman kung ano ang sasabihin.

At may ulap na lumilim sa kanila.  At narinig mula sa ulap ang salitang ito: “Ito ang aking Anak, ang Minamahal, pakinggan ninyo siya.”  At biglang-bigla, pagtingala nila, wala silang nakita liban kay Jesus na kasama nila.

At pagbaba nila mula sa bundok, inutusan niya sila na huwag sabihin kaninuman ang nakita nila hanggang makabangon ang Anak ng Tao mula sa mga patay.  Iningatan nila ang bagay na ito sa kanilang sarili pero nagtanungan sila kung ano ang pagbangon mula sa mga patay.

[Maikling Katahimikan]

Ano ang ipinahahayag sa iyo ng Salita ng Diyos?

Narito naman ngayon ang panibagong pagpapahayag ng Diyos na tinatanggap ni Jesus sa Pagbabagong-anyo.

Dalawang taon nang nangangaral si Jesus pero walang pag-asang masusugpo ng Israel ang karahasang naghahatid sa kanya sa pagkawasak.  Hindi makumbinsi ng mga salita at himala ang kanyang mga kababayan, kaya’t kailangang harapin ni Jesus ang puwersa ng kasamaan.  Mas magiging mabisa ang kanyang sakripisyo kaysa kanyang mga salita para pag—alabin ang pag-ibig at diwa ng pagsasakripisyo sa lahat ng mula noo’y magpapatuloy sa kanyang gawa ng pagliligtas.

Sa kanyang Pagbabagong-anyo, sinisiguro kay Jesus na malapit na siyang mamatay sa Jerusalem.  Binigyan din siya ng patikim ng Pagkabuhay.

Ang kwentong ito ay mula kung saan ipinahayag at kinilala ng isang apostoles ang katotohanan tungkol kay Kristo bilang Anak ng Tao sa Caesarea Philippi.  Inilalarawan ng karanasang ito mula sa Sinai – ang paglilim ng alapaap, ang bundok, ang presensiya ni Moses, ang kubol. At mula sa pagpapakita ni Jesus sa Daniel, Ezekeil, Esdras, Enoch – ang pangitain, ang presensiya ni Elias, ang takot, ang maningning na kasuotan, ang tagubilin ng huwag ipagsabi, ang pakikipag-usap.  Ang pagbabagong anyo ni Jesus ay may pagkakahalintulad sa binyag ni Jesus (ang tinig) at Gethsemane story (3 apostles, the bundok, ito ang pinakamamahal kong anak, pakinggan ninyo siya, hindi nauunawaan ng mga apostoles ang sinasabi ni Jesus.

May dahilan kaya bakit isinama ni Jesus ang tatlong apostoles at umakyat sa bundok na sila lamang ang kasama gaya ni Moises na umakyat din sa Bundok Sinai para makatagpo ang luwalhati ng Diyos.  May ilang kundisyon ng pag-iisa ang naghahanda sa tao para matanggap ang pagpapahayag ng Diyos.

Sino si Jesus? Nasagot na ni Pedro ang tanong na ito, pero ngayon, ang Ama mismo ang nagbigay ng sagot.  Si Jesus, ang Anak, ang Minamahal.  Si Jesus ang Hinirang o Tagapagligtas na ipinahayag ng mga propeta.

Pinuntahan si Jesus ng dalawang pinakamahalagang tauhan sa Bibliya, sina Moises at Elias.  Maraming beses ng nagsalita ang Diyos at sa iba’t-ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta, ngunit ibinigay n’ya ngayon ang lahat na pwedeng ibigay sa atin sa pagpapadala sa Kanyang Anak:  “Pakinggan ninyo siya”, bilang Propeta.  Papakinggan natin ang nagpapakilala sa Ama at nagtutulak sa atin na makipagkasundo sa kanya.  Kailangan nating making ng mabuti sa kanya tulad ng ginawa ng mga apostol.

At nililiman sila ng isang alapaap na naglalahad at nagkukubli ng mahiwagang presensiya ng Diyos.

Sa pagbabagong-anyo, isang sulyap sa buhay at luwalhati ni Jesus ang ibinigay sa mga apostol.  Waring naging isang karanasan sa Diyos.  Napakatindi nito kaya’t nais nilang manatili doon, “Panginoon, mabuti at narito tayo.  Gagawa kami ng tatlong kubol.”  Gusto nilang manatili doon na si Jesus lamang ang kasama.  Nadiskubre nila na kayang punuin ng Panginoon ang kanilang buhay.

Sa movie clip na Himala, sa isang bundok din naganap ang pagpapahayag ni Elsa.  “Walang himala!  Ang himala ay nasa puso ng tao!”

Ano ang sinasagisag ng bundok?

Kapag si Jesus ay umaakyat sa bundok, siya ay mananalangin.  Kung kaya, ang tagpong pagbabagong-anyo ni Jesus ay nasa konteksto ng panalangin.

Ang puso ay nangangahulugan din “loob” o “core”.  At sino ang nasa loob natin?  O sino ang pinaka-core natin?  Walang iba kundi ang Diyos.  Sapagkat tayo ay Templo ng Espiritu Santo.  Ibig sabihin, ang Diyos ay nananahan sa atin.  Ito ang tinatawag na grasya.  Nararanasan ko ang presensiya ng Diyos.  Kung kaya, kapag nagdarasal tayo, pumapasok tayo sa loob upang makaniig at makikinig sa Diyos na nangugusap sa atin.  Ang HIMALA ay nasa puso ng tao.  Tanging ang Diyos lamang ang makakagawa ng HIMALA.  Siya ay nasa puso natin.

Kaya, ano ang sinasabi ng Ama?

“Pakinggan ninyo siya!”

Hindi lamang tayo inaanyayahan makinig kundi inuutusang makinig, marahil, sa katigasan na rin ng ulo o puso natin.

Saan natin pakikinggan si Jesus?

Mapapakinggan natin si Jesus sa panalanging pananahimik.

Kadalasan, kapag tayo ay nagdarasal, wala tayong ginawa kundi ang magsalita ng magsalita.  Halos wala tayong panahong manahimik.  Bakit tayo mananahimik sa panalangin?  Upang ang Diyos naman ang magsalita sa atin.  Hindi makapagsalita ang Diyos sa atin sapagkat kapag tapos na tayong magsalita, aalis na tayo at iiwanan na natin ang Diyos.

Sa panalangin, nagbagong-anyo si Jesus.   Sa palagay ko, sa tuwing si Jesus ay nagdarasal, siya ay laging nagbabagong-anyo.  Ngunit sa pagkakataong ito, nakita siya ng tatlong apostoles.

Nananalangin ka pa ba?

Kung oo, ano naman ang epekto ng panalangin sa iyo?

Meron ba?

Sa panalangin, unti-unti tayong binabago ng Diyos.

Kung walang pagbabagong nagaganap sa iyo, bakit?

Gaano ka ba kadalas makinig sa Diyos?

At isinasabuhay mo ba ang iyong napakikinggan?  ang kanyang turo?

Tulad ng tatlong apostol, madidiskubre natin ang isang masayang karanasan sa piling ng Diyos sa panalangin at maaaring masabi pa natin ang sinabi ni Pedro: “Panginoon, dito na lang tayo, magtatayo kami ng kubol.”  Ito ang kagalakang nadarama nina Pedro sa piling ng Diyos.  At ito rin nawa ang maranasan natin sa tuwing nananalangin tayo.

Ang patikim na luwalhati ni Jesus ay ang Paghahari ng Diyos.  Na kahit dito pa lang sa lupa ay mararanasan na natin ito kung makikiisa tayo kay Jesus.

Sa pagbabagong-anyo ni Jesus, hindi paraiso sa lupa ang inihanda ng Ama para sa atin kundi inaalok tayong magdusang kasama ng kanyang Anak para mabago niya tayo kahit sa buhay na ito sa paraang mahimala para sa atin.

Kung tutuusin, hindi kailangang maghirap ni Jesus.  Pero, bakit inako n’ya ang pagdurusa, sapagkat nais niyang makaisa tayo.  Sinamahan niya tayo sa ating mga pagdurusa at sakit.  At ito rin ang nais niyang gawin natin sa isa’t-isa.  Makiisa sa pagdurusa ng kapwa.

Sa ating pagbabagong-anyo, hayaan nating gumalaw o kumilos sa atin ang Diyos tulad ng isang “metamorphosis”.  Sa loob ng pupae, sa loob ng halos tatlong lingo, walang ginawa ang uod.  Ngunit, pagkalipas ng ilang raw, napakagandang paru-paro ang lumabas.

Itinalaga na tayo ng Diyos na “maging tulad ng kanyang Anak” (Ro 8:29).  Kung gayon, sinasabi sa ating “Ang Panginoong Jesu-Kristo ang paghariin ninyo sa inyong buhay” (Ro 13:14), “magpakababa kayo tulad ni Kristo Jesus” (Fil 2:5), upang tayo ay mabago “sa ating anyo . . . hanggang sa maging mistulang larawan niya” (2 Cor 3:18).  Mithiin natin ang makapagsabi kasama ni San Pablo “Namatay na akong kasama ni Kristo sa Krus.  At kung ako ma’y buhay hindi na ako ang nabubuhay kundi si Kristo ang nabubuhay sa akin (Ga 2:19-20) [CFC 1486].

Ano ba ang nakakasagabal sa ating pagbabago?

Walang iba kundi ang ating mga kasalanan.

Ang tao ay may hangganan at sapagkat wala isa man sa atin may kakayahang tanggalin ang kapangyarihan ng kasamaan, ang kasalanan kung saan, patuloy na nakikita natin, na siyang pinagmumulan ng mga pagdurusa.  Tanging ang Diyos lamang ang may kakayahang gumawa nito:  tanging ang Diyos na personal na pumasok sa kasaysayan sa pamamagitan ng kanyang pagkakatawang-tao at nakaranas ng pagdurusa.  Nababatid natin na ang Diyos ay nabuhay, kung kaya itong kapanyarihang “nag-aalis ng mga kasalanan sa sanlibutan” (Jn 1:29) ay naroroon sa mundo.

Tungkulin nating mga Kristiyano ang pagbabagong-loob o pagbabagong-buhay.

Ang pagbabagong buhay ay isang panghabambuhay na proseso ng paglapit kay Kristong ating Mananakop, sa loob ng kanyang sambayanan, ang Simbahan (CFC1789).  Ang Simbahan ay nagmamalasakit sa pamamagitan ng pagtawag sa atin sa walang tigil na pagsisisi at pagbabago, na siyang humihikayat sa atin na aminin ang ating mga kasalanan nang may taos sa pusong pagsisisi, ipagdiwang ang Sakramento ng Pakikipagkasundo, at dumalo sa mga pagdiriwang ng pagsisisi. (CFC1780)

Ang tunay na pagbabalik-loob ay nangangailangan ng panahon at kailangan natin ang tulong ng ating pamilya, mga kaibigan, at mga kapatid sa ating Kristiyanong sambayanan upang palakasin tayo sa ating personal na pagsisiskap na tumalikod sa pagkakasala, pagkamasarili, kayabangan, at bumaling kay Kristo at sa Diyos na ating Ama (CFC 1796).

Ang tunay na Kristiyanong pagbabagong-buhay – pagbubuong muli ng ating ugnayan sa ibang kaanib ng pamayanan.  (CFC1796)

Mga Dimensiyon ng Ganap na Pagbabagong-buhay ng Kristiyano (CFC 1797)

1.  moral na pagbabagong buhay – pagtalikod sa makasariling pagsisiskap na tugunan ang ating mga pangangailangan, tungo sa mapagmahal na paglilingkod sa kapwa.

2.  pandamang pagbabagong buhay – sa pagbabagong-buhay ay kasangkot ang ating damdamin, emosyon at imahinasyon upang itaguyod ang isang mapagbigay na pagmamahal na malabanan ang mga tuksong humusga, labis na amor propio, sobrang pagkamaramdamin, pagkamuhi at kapalaluan.

3.  kaisipang pagbabagong-buhay – ang pangdama ay tatagal lamang kung nakasalig ito sa paraan ng ating pang-unawa at pagpapasya sa pangunahing kahulugan at kahalagahan n gating buhay.

4.  panrelihiyong pagbabagong-buhay

Makakatulong din sa ating pagbabagong-loob ay ang:

Paghubog at pagsunod sa kunsensiya.

Ang Kunsensiya ay ang kakayahan kilatisin kung ano ang moral na mabuti laban sa masama.  Kasma dito ang damdamin ng obligasyon: dapat nating gawin ang mabuti at iwaksi ang masama (Fr. Joseph Roche, SJ)

May kinalaman ang kunsensiya sa katinuan nating “nagsisikap na malaman” kung ano ang “dapat” “gawin”.

Ang Mabuting kunsensiya ay ginagabayan ng tunay na pananampalataya, sapagkat ang pagmamahal ay nagmumula din “sa pusong malinis at mabuting kunsensiya at tapat na pananampalataya”   (CCC1794)

Obligasyon nating Hubugin ang Kunsensiya (CCC 1783-1785)

–  Lagi nating dapat sundin ang kunsensiya sapagkat lagi nating tungkuling hubugin ito!

–  Ang pagbibigay edukasyon sa kunsensiya natin ay gampaning panghabambuhay

–  Ang pagbibigay edukasyon natin sa kunsensiya ang nagpapalaya sa atin at naghahatid ng kapayapaan ng ating puso

Inuulit ko, ang pagbabagong—loob ay isang proseso.

Ngunit, simulan natin sa maliit.

Manahimik tayo sandali at pagnilyan natin ang video na ito:

Video clip: chalo india chalo.


Magbigay ng konkretong gagawin mo tungo sa pagbabago ng sarili at isulat sa komento o papel para magpaalaala sa iyo.

Ako Mismo (specific, realistic, attainable)

________________________________

________________________________

——————————————————————————————————-

CCC – Catechism of the Catholic Church

CFC – Catechism for Filipino Catholics

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s